THE HAGUE, Netherlands – Inatasan ng International Criminal Court (ICC) ang prosecution at depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magsumite ng mga ebidensya at materyales bilang paghahanda sa pormal na paglilitis.
Ito ang unang hakbang matapos kumpirmahin ng Pre-Trial Chamber I ang mga kaso laban kay Duterte noong Abril 23. Naitalaga na rin ang Trial Chamber III na hahawak sa kaso.
Nakatakda ang unang status conference sa Mayo 27, habang ang mga kinakailangang dokumento ay dapat isumite bago Mayo 15.
Kabilang sa hinihinging isumite ang inaasahang ebidensya, bilang ng mga testigo, haba ng testimonya, expert witnesses, at mga dokumentong gagamitin sa paglilitis.
Inatasan din ang prosekusyon na ilahad ang mga ebidensyang hawak nito, kabilang ang proteksyon at identidad ng mga testigo, pati na ang mga confidential na impormasyon at patuloy na imbestigasyon.
Samantala, ang depensa ay kailangang magsumite ng plano kung paano nito haharapin ang kaso.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng murder bilang crime against humanity, kaugnay ng umano’y pagpatay sa hindi bababa sa 78 katao sa war on drugs.
Humiling din ang kampo ni Duterte ng pahintulot na iapela ang desisyon ng pre-trial chamber, na anila’y may kakulangan sa detalye at ebidensya.
Ayon sa abogado na si Kristina Conti, hindi agad maaantala ang paglilitis dahil sa apela maliban na lamang kung ipatigil ito ng Appeals Chamber.
Inaasahan ding haharap si Duterte sa trial chamber, bagama’t maaari siyang payagang dumalo sa pamamagitan ng video o audio link. RNT/MND