Home NATIONWIDE Ebidensya laban kay VP Sara, sapat para sa kasong plunder- Atty. Kapunan

Ebidensya laban kay VP Sara, sapat para sa kasong plunder- Atty. Kapunan

71
0

MANILA, Philippines – Naniniwala ang kilalang abogado na si Atty. Lorna Kapunan na sapat at matibay ang mga ebidensyang inihain sa House Committee on Justice upang suportahan ang posibleng pagkakasala ni Vice President Sara Duterte sa kasong plunder.

Sa ginanap na Saturday News Forum, binigyang-diin ni Kapunan ang bigat ng mga dokumentong nag-uugnay sa Bise Presidente sa mga kuwestiyonableng transaksyon sa bangko.

“Tama po yan, she may be convicted because sa lakas ng ebidensya,” ani Kapunan nang tanungin kung sapat ba ang mga inilahad sa Kamara para mapatunayan ang plunder.

Partikular na tinukoy ng abogado ang naging pagbusisi ng komite sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagpapakita ng mahigit 600 covered and suspicious transactions na nagkakahalaga ng ₱6.7 bilyon, na kinasasangkutan umano ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Ayon kay Kapunan, naging cruciall ang pag-cross-check ni ML Partylist Rep. Leila de Lima sa 19 na random accounts mula sa affidavit ni dating Sen. Antonio Trillanes laban sa opisyal na ulat ng AMLC kung saan natuklasan sa pagdinig na tugma ang lahat ng halaga hanggang sa huling sentimo.

“Hindi lang na-vindicate si Senator Trillanes. Ang tamang salita ay na-confirm ang matagal na niyang sinasabi na totoo,” paglilinaw ni Kapunan.

Ipinaliwanag din ng abogado na maaaring magpatuloy ang isang criminal case gaya ng plunder sa Ombudsman kasabay ng proseso ng impeachment sa Kongreso.

Dagdag pa niya, bukod sa impeachment, maaaring magsampa ng hiwalay na civil o forfeiture case upang mabawi ang mga pondo ng bayan na “disallowed” o hindi pinayagan ng Commission on Audit (COA), gaya ng mga confidential funds noong nasa Department of Education (DepEd) pa ang Bise Presidente.

“Pwedeng ipabalik yung disallowed na funds sa isang civil case o forfeiture case,” pagtatapos ni Kapunan. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here