Home NATIONWIDE BOC, nagtala ng pinakamataas na koleksyon sa Abril

BOC, nagtala ng pinakamataas na koleksyon sa Abril

77
0

MANILA, Philippines – Ibinida ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na nalagpasan nila ang kanilang target na koleksiyon nitong buwan ng Abril makaraang umabot sila sa ₱86.4 bilyon na kita na may katumbas na paglagpas na ₱7.8 bilyon o 9.9 porsyento sa itinakdang target na ₱78.6 bilyon.

Batay sa ulat, mas mataas din ito ng ₱11.699 bilyon o 15.7 porsyento kumpara sa parehong buwan noong 2025, na nagpapakita ng patuloy na paglago sa revenue collection ng ahensya.

Sa kabuuan, umabot sa ₱325.808 bilyon ang koleksyon ng BOC mula Enero hanggang Abril 2026, na lumagpas ng ₱11.148 bilyon o 3.5 porsyento sa target na ₱314.660 bilyon.

Ito na ang pinakamataas na naitalang surplus ng ahensya sa unang apat na buwan ng taon sa nakalipas na sampung taon.

Ayon sa BOC, mas mataas ito ng ₱19.729 bilyon o 6.4 porsyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, na indikasyon ng matatag na performance ng ahensya sa pagsisimula ng target nitong maabot ang trillion-peso collection para sa 2026.

Sa kabila ng mga hamon sa pandaigdigang kalakalan, kabilang ang epekto ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East at ang ipinatupad na tatlong buwang suspensyon o pagbawas ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene simula Abril 2026, nananatiling matatag ang koleksyon ng BOC.

Sa ilalim ng pamumuno ng Department of Finance at ni Secretary Frederick D. Go, at alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., patuloy ang BOC sa pagpapatupad ng mga reporma upang mapahusay ang kahusayan, transparency, at pagpapadali ng kalakalan.

Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng naturang tagumpay, na aniya ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng buong ahensya.

“Ito ang pinakamataas naming year-to-date surplus sa nakalipas na sampung taon. Ipinapakita nito ang disiplina, integridad, at konsistensi ng aming mga kawani sa lahat ng pantalan. Sa kabila ng mga pandaigdigang hamon at pagbabago sa polisiya, patuloy kaming naghahatid ng resulta na sumusuporta sa mga programa ng pamahalaan at pambansang kaunlaran,” ani Nepomuceno.

Dagdag pa ng ahensya, ang patuloy na paglago ng koleksyon ay dulot ng pinaigting na valuation practices, mas mahusay na monitoring system, at patuloy na digitalization ng mga proseso sa customs, na nakabatay sa Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Program ng kasalukuyang pamunuan. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here