MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Lunes, Mayo 4, na ituloy pa ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control projects, dahil marami pa umanong kailangang alamin.
Ayon kay Sotto, mahalagang ipagpatuloy ang pagdinig dahil hindi pa tapos ang pagbusisi sa isyu na kinasasangkutan ng mga proyekto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Marami pang mga nangyayaring dapat maungkat, hindi lang sa Luzon kundi sa Visayas at Mindanao doon sa 2025 budget,” saad ni Sotto.
“Yun ang pinaka-crucial eh, kumbaga sa ano, yun ang killer budget, doon talaga nagka-loko-loko eh,” dagdag niya.
Sinabi rin niya na walang problema sa planong privilege speech ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, na siyang chair ng komite, tungkol sa kanyang Chairman’s Progress Report.
Ayon kay Sotto, maaaring maitala sa Senate journal ang report at maaari rin itong talakayin at tanungin ng ibang senador.
Sa ilalim ng Senate rules, kailangan ng hindi bababa sa siyam na pirma para ma-adopt ang committee report, ngunit anim pa lamang ang lumalagda dito. Kasama sa mga rekomendasyon ang posibleng imbestigasyon sa ilang senador tulad nina Francis “Chiz” Escudero, Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva.
Ayon kay Lacson, gumawa siya ng progress report dahil hindi pa maipapasa ang partial committee report sa Senado dahil kulang pa sa pirma.
Dagdag pa ni Sotto, dapat imbitahan at imbestigahan ang lahat ng taong makakatulong maglinaw sa kaso, kabilang ang dating House Speaker Martin Romualdez na isa rin sa mga binanggit sa mga akusasyon.
Ang 2025 national budget ay nauna nang nabatikos dahil sa umano’y bilyon-bilyong pisong “insertions” para sa mga pekeng flood control projects na sinasabing pinagkakitaan ng kickbacks. RNT/MND