MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang drug suspects kabilang ang isang itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang makuhana ng mahigit P1.4 milyong halaga ng shabu sa buy bust operation sa Caloocan City, Linggo ng hapon.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang mga suspek na sina alyas “Eric”, 37, (HVI) at alyas “Amado”, 54, kapwa residente ng General P. Alvarez, 10th Ave., Brgy., 66, ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Goforth na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil umano’y ilegal drug activities ni alyas Eric kaya ikinasa nila ang buy bust operation laban sa kanya sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap ang signal mula sa isa nilang kasama na nagpanggap na poseur buyer na positibo na ang transaksyon, kaagad pinasok ng mga tauhan ni P/Lt. Restie Mables ang bahay ng mga suspek bago inaresto ang mga ito dakong ala-1:01 ng hapon.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 206.74 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,405,832.00, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 10-pirasong P1,000 boodle money, digital weighing scale, P165 cash at itim na sling bag.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Merly Duero)