MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang naglalayong maisabatas ang national private education voucher program upang mapabuti ang access, mabawasan ang pagsisikip, at masugpo ang katiwalian.
Sa botong 22-0, nakapasa ang Senate Bill No. 1981, o ang Private Basic Education Voucher Program Act — kung saan sponsor at co-author si Sen. Bam Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Nagpasalamat si Aquino sa kanyang mga kasamahan sa kanilang suporta, at sinabing makatutulong ang panukala sa pagtugon sa tatlong mahahalagang isyu — congestion, access, at isyu ng katiwalian.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mga kasama sa napakalaking suporta sa panukalang ito na makatutulong tugunan ang pangunahing problema sa ating mga paaralan,” wika ni Aquino.
“Umaasa tayo na kapag ito’y naisabatas, mababawasan na ang congestion sa ating mga paaralan, mapapalawak ang access ng ating mga estudyante sa mga pribadong eskuwelahan, at maaalis ang katiwalian sa programang ito,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante — lalo na ang mga mula sa masisikip na pampublikong paaralan — na makapag-enroll sa mga pribadong institusyon na may natitirang kapasidad sa tulong ng education vouchers.
Pinalalawak din nito ang saklaw ng voucher assistance sa lahat ng antas ng basic education — mula Kindergarten hanggang Grade 12 — habang pinagsasama ang mga umiiral na voucher program sa ilalim ng iisang batas.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga estudyante mula sa mga lugar na mataas ang kaso ng congestion, kung saan bibigyang prayoridad ang mga mag-aaral mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA), mga komunidad ng Indigenous Peoples, mga foster home, at iba pang vulnerable sectors, kabilang ang mga mag-aaral na may kapansanan na nangangailangan ng special education services.
Layunin din ng panukala na palakasin ang suporta para sa mga pribadong paaralan at guro na kalahok sa programa sa pamamagitan ng subsidiya at suportang institusyonal.
Bukod dito, naglalaman din ito ng mas mahihigpit na pananggalang upang maiwasan ang pandaraya at pang-aabuso sa programa sa pamamagitan ng pagpapataw ng administratibo at kriminal na parusa sa mga lalabag, kabilang ang multa at posibleng pagkakakulong para sa mga mapapatunayang nandaraya. Ernie Reyes