Home TOP STORIES Residente, mangingisda sa OccMin, nalarma sa banta ng oil spill mula sa...

Residente, mangingisda sa OccMin, nalarma sa banta ng oil spill mula sa lumubog na dredger

95
0

RIZAL, OCCIDENTAL MINDORO – Nanawagan ng agarang aksyon ang mga residente at mangingisda ng Barangay Malawaan sa pamahalaan at mga maritime authorities dahil sa panganib na dulot ng lumubog na MV Hong Hai 16  sa Mindoro Strait.

Nabatid na isang taon matapos ang trahedya noong Abril 15, 2025, iginiit ng mga lokal na residente na nananatiling banta sa kalikasan at kaligtasan ang 144-metrong dredger na pagmamay-ari ng Kean Peak Corporation.

Ayon sa ulat, naglalaman ang barko ng tinatayang 30,000 litro ng automotive diesel at 2,000 litro ng lube oil. Nangangamba ang komunidad na kung hindi agad masisipsip ang langis at matatanggal ang wreck, posibleng magkaroon ng malawakang oil spill na sisira sa kanilang kabuhayan at yamang-dagat, lalo na’t paparating na ang panahon ng mga bagyo.

Bukod sa banta sa kalikasan, inireklamo rin ng mga mangingisda ang panganib sa nabigasyon. Dahil tuluyan nang lumubog ang barko, hindi na matukoy ang eksaktong lokasyon nito sa ilalim ng tubig, na nagdudulot ng takot sa mga bangkang dumadaan sa lugar.

Pinapanagot ng Barangay Malawaan Fishermen’s Group ang kumpanyang Kean Peak Corporation at ang contractor nitong Bluemax Tradelink, Inc. sa kabila ng inisyu nang cease and desist order ng mga awtoridad noong nakaraang taon.

Hiling ng grupo sa nasyonal at lokal na pamahalaan ang sumusunod:

 pagtukoy sa eksaktong lokasyon ng barko gamit ang sonar o dive teams;

 agarang paghigop o siphoning  sa natitirang langis sa loob ng tangke; at  ang tuluyang pag-alis sa wreck mula sa karagatan ng Rizal.

Matatandaang tumaob ang MV Hong Hai 16 may 100 metro lamang ang layo mula sa pampang noong nakaraang taon na ikinasawi ng siyam na tripulante nito. Ayon sa mga residente, hindi nila hahayaang maging mitsa ng panibagong sakuna ang napabayaang barko sa kanilang lugar.  (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here