MANILA, Philippines — Sinabi ng Philippine Space Agency (PhilSA) na tinatayang kalahati ng Quezon City ang nasakop ng ashfall mula sa Mayon Volcano sa Albay.
Sinabi ng PhilSA na humigit-kumulang 8,544 ektarya ang apektado batay sa pagsusuri gamit ang Sentinel-2 satellite images mula Mayo 4, 2026 na inihambing sa mga larawang kuha bago ang insidente noong Abril 28, 2026.
“Based on the analysis, at least 8,544 hectares (~85,440 sqkm) were covered by ashfall. For comparison, this area is around half the size of Quezon City,” ayon sa PhilSA.
Dagdag pa ng ahensya, ginamit ang change detection upang matukoy ang ash deposits, ngunit may ilang bahagi na hindi malinaw dahil sa ulap. Sinabi rin nito na kailangan pa ng ground validation ang mga resulta.
“These results are consistent with projections from atmospheric trajectory modeling and reports from the ground. The map is still subject to ground validation,” ayon pa sa PhilSA.
Noong Mayo 1, naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang minor strombolian activity sa Mayon Volcano bandang 2:41 a.m., na nagbunga ng ash plume na umabot ng humigit-kumulang 100 metro bago tinangay patungong west-southwest.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), naapektuhan ng ashfall ang hindi bababa sa 52 barangay sa Camalig, Guinobatan, at Legazpi City. Naiulat din na higit 6,000 bahay sa Albay ang naapektuhan. Santi Celario