LEGAZPI CITY—Idineklara ng pamahalaang panlalawigan ng Albay ang state of calamity sa ilang lugar na apektado ng patuloy na pag-aalboroto ng Mayon Volcano, upang mapabilis ang relief at rehabilitation efforts.
Sa isang resolusyon na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan nitong Martes, saklaw ng deklarasyon ang mga lungsod ng Tabaco, Legazpi, at Ligao, gayundin ang mga bayan ng Camalig, Malilipot, Sto. Domingo, Daraga, at Guinobatan.
Ayon kay Board Member Milagros Bal, layunin ng deklarasyon na mapabilis ang pagtugon ng pamahalaan habang nagpapatuloy ang banta ng volcanic hazards sa mga komunidad sa paligid ng bulkan.
Isinagawa ang hakbang habang patuloy na nakararanas ng ashfall at pyroclastic density currents ang mga apektadong lugar, na nakaapekto sa libo-libong pamilya sa Albay.
Noong Sabado, nagdulot ng malawakang ashfall ang malalaking pyroclastic flow na bunga ng pagguho ng naipong lava sa Mi-isi Gully sa Daraga.
Nauna rito, hindi bababa sa 1,133 pamilya o 4,039 indibidwal ang inilikas mula sa anim-kilometrong permanent danger zone sa Tabaco, Malilipot, Daraga, Camalig, Guinobatan, at Ligao matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang Mayon sa Alert Level 3, na indikasyon ng mas matinding magmatic unrest. Mary Anne Sapico