MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Transportation (DOTr) laban sa mga pekeng pribadong mensahe na nagpapanggap bilang Transportation Sec. Giovanni Lopez upang manghingi ng pera.
Ayon sa advisory ng DOTr, ang mga pekeng mensahe ay ipinapadala gamit ang mga online messaging applications tulad ng WhatsApp.
Giit ng DOTr, hindi kailanman nanghihingi ng pera o nagsasagawa ng opisyal na transaksyon sa labas ng mga awtorisado at kinikilalang channel ng ahensya ang kalihim at ang lahat ng opisyal at kawani ng ahensya.
Kasabay nito, sinabi ng DOTr na nakikipag-ugnayan ito sa Philippine National Anti-Cybercrime Group, Department of Information and Communications Technology, at iba pang kaukulang ahensya ukol sa isyu.
Nanawagan din ito sa publiko na i-report ang anumang mapanlinlang na mensahe sa commuter hotline ng DOTr sa 0920-964-3687.
Isa ang DOTr sa ilang ahensya ng gobyerno na naglabas ng babala laban sa mga pekeng mensahe at social media posts na ginagamit ng mga scammer upang manlinlang at manghingi ng pera. Jocelyn Tabangcura-Domenden