MANILA, Philippines – NAGLATAG ng komprehensibong plano ang pamahalaang lungsod ng Maynila matapos matuklasan sa isang pag-aaral ng University of the Philippines Manila ang presensya ng drug-resistant bacteria sa lahat ng 12 sinuring “palamig” stalls sa Tondo.
Ayon kay Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, itinuturing ng Manila Health Department (MHD) na isang mataas na prayoridad na usaping pangkalusugan ang nasabing resulta na nangangailangan ng agarang aksyon.
Unang hakbang ng MHD ang muling inspeksyon sa 12 establisimyentong kabilang sa pag-aaral.
“Pupuntahan po namin uli ang 12 sites na nasama sa study, at magsasagawa kami muli ng inspeksyon sa mga samalamig stall,” ani Padilla.
Tinukoy rin ng opisyal na kabilang ang Tondo sa mga high-risk area sa lungsod, kaya’t magpapakalat ng sanitary inspectors sa anim na distrito ng Maynila upang higpitan ang pagpapatupad ng mga regulasyon.
Isa sa mga pangunahing tututukan ng lungsod ay ang kaligtasan ng tubig at yelo—na ayon sa mga mananaliksik mula sa UP Manila College of Public Health-Department of Medical Microbiology ay pangunahing pinagmumulan ng kontaminasyon.
Inaatasan ang mga vendor na gumamit lamang ng sertipikadong malinis na tubig at yelo mula sa aprubadong supplier, at kinakailangang magpakita ng patunay nito sa inspeksyon.
Maglulunsad din ang lungsod ng mandatory hygiene training para sa mga vendor, katuwang ang UP Manila. Saklaw nito ang tamang paghuhugas ng kamay, ligtas na paghahanda ng pagkain, at wastong paglilinis ng mga lalagyan. Bibigyan ng sertipikasyon ang mga makakatapos ng pagsasanay upang mahikayat ang pagsunod sa tamang sanitation practices.
Upang matulungan ang maliliit na negosyante, plano rin ng MHD na magbigay ng libreng water potability testing. Ang mga health personnel na mismo ang kukuha ng sample sa mga stall at ipoproseso ito sa Water Analysis Laboratory ng lungsod.
Bukod dito, palalakasin pa ang sistema ng pagkuha ng lisensya sa mga food vendor, kabilang ang obligasyong magsumite ng updated water potability certification bukod sa kasalukuyang sanitary permit.
Pinag-aaralan din ang pag-waive ng mga kaugnay na bayarin upang hindi maging pabigat sa maliliit na negosyante.
Kasama rin sa plano ang regular na microbiological monitoring sa mga inumin, tubig, at mga surface sa mga tindahan upang masuri hindi lamang ang presensya ng bacteria kundi pati ang antimicrobial resistance.
Magpapatupad din ang lungsod ng mga suportang imprastraktura tulad ng pagtatayo ng malinis na water stations at pamamahagi ng hygiene kits sa mga high-risk na lugar, kasabay ng information campaign upang hikayatin ang publiko na i-report ang mga hindi malinis na gawain sa mga stall.
Samantala, pinuri ni Dr. Michael Tee, Chancellor ng UP Manila, ang naging tugon ng pamahalaang lungsod, at binigyang-diin na magandang halimbawa ito ng pakikipagtulungan ng akademya at gobyerno para sa kapakanan ng publiko. JAY Reyes