Home NATIONWIDE Nanapak sa parak sa Labor Day protest, sangkot na rin sa ibang...

Nanapak sa parak sa Labor Day protest, sangkot na rin sa ibang kaguluhan sa protesta – PNP

75
0

MANILA, Philippines — Iniuugnay ng pulisya sa mga naunang insidente sa mga protesta ang lalaking nanuntok ng pulis sa Labor Day rally, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa posibleng planado at organisadong pagkilos.

Ayon kay Ermita Police Station Commander PLt. Col. June Abrazado, ang suspek na nanakit ng pulis noong Mayo 1 ay nakita rin sa mga nakaraang protesta.

“Makikita natin ‘yung consistency mula doon sa umpisa na siya ‘yung nag-agitate hanggang sa panununtok, pagnanakaw, same ‘yung itsura niya. ‘Yung damit niya, pinagpalit niya lang ‘yung inner saka ‘yung hood niya para hindi siya makilala,” ayon kay Abrazado batay sa video footage.

Sinabi ng pulisya na namataan ang suspek sa mga protesta noong Nobyembre 30, 2024, Setyembre 21, 2025, at Marso 8, 2026. Bagama’t kumakalat na ang kanyang pangalan sa social media, patuloy pa itong bineberipika.

Iniimbestigahan din kung planado ang insidente.

“Ang taktika nila, papasok siya, gagawa siya ng pananakit, and then isasarado nila ‘yung hanay para makatakas siya,” ani Abrazado.

“Ang gusto nilang narrative maging berdugo ang mga pulis, na hinding hindi natin ibinigay sa kanila. Nakita natin ang pagtitimpi ng ating mga personnel,” dagdag niya.

Tinitingnan din ng mga awtoridad ang posibleng pagkakaroon ng mga kasabwat, ngunit iginiit na ilalabas lamang ang mga pangalan matapos ang beripikasyon.

Hindi bababa sa siyam na pulis ang nasugatan sa rally at nananatiling naka-confine sa ospital. Isa sa kanila ang posibleng sumailalim sa MRI matapos tamaan sa ulo.

“Mapansin niyo ‘yung sumuntok, nag-g-gym ‘yun, malaki ang katawan niya. Kawawa ‘yung pulis natin,” ani Abrazado.

“Hinihintay lang natin paglabas nila para makunan na ng statement for filing of cases. Naka-ready naman ang ating mga other information, ‘yung affidavits na lang nila ang inaantay,” dagdag pa niya.

Kinumpirma rin ng pulisya na dalawang cellphone ang ninakaw sa protesta. Isa ang ibinalik sa pamamagitan ng courier, habang ang isa ay nananatiling nawawala.

Inihahanda ng Manila Police District ang mga kasong direct assault, physical injuries, robbery, paglabag sa Public Assembly Act, at posibleng tumults and disturbance of public order. Iniimbestigahan din ang pagsusunog ng effigy na maaaring lumabag sa batas.

Binanggit din si labor leader Jerome Adonis bilang kabilang sa maaaring maharap sa reklamo kaugnay ng insidente. Muling iginiit ng pulisya na iginagalang nila ang karapatan sa mapayapang pagtitipon ngunit dapat itong isagawa alinsunod sa batas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here