Home HOME BANNER STORY House leaders: ‘Di nakakapagtaka 82% na gustong humarap si VP Sara sa...

House leaders: ‘Di nakakapagtaka 82% na gustong humarap si VP Sara sa impeachment trial

82
0

MANILA, Philippines – Naniniwala ang mga lider ng Kamara na hindi na dapat ikagulat ang resulta ng survey kung saan malaking porsyento ng mga Pilipino ang nagnanais na personal na humarap si Vice President Sara Duterte sa magiging impeachment trial nito sa Senado.

Ayon kina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, ang resulta ng Tangere survey ay repleksyon lamang ng bigat ng ebidensyang nakapaloob sa Articles of Impeachment at mga testimonyang lumabas sa clarificatory hearings ng House Committee on Justice.

Base sa naturang survey, 90 porsyento ng mga respondent ang gustong humarap si Duterte sa Senado, habang 82 porsyento ang nagsabing dapat ay siya mismo ang dumalo sa halip na umasa lamang sa kanyang mga abogado.

“Hindi nakakapagtaka na halos siyam sa bawat sampung Pilipino gustong humarap si VP Sara sa Senate trial. Sa bigat ng ebidensya, hindi abogado ang hinahanap ng tao. Ang hinahanap nila, si VP Sara mismo,” pahayag ni Adiong.

Binigyang-diin ng mambabatas na seryoso ang mga alegasyong kinakaharap ng Bise Presidente na nangangailangan ng direktang paliwanag.

“Kung may tanong sa P612.5 million na confidential funds, sa P6.77 billion na money trail, sa cash envelopes sa DepEd, at sa mga bantang umabot hanggang assassination plot, natural lang na gusto ng publiko na humarap siya,” dagdag pa ni Adiong.

Para naman kay Acidre, pinatunayan lamang ng survey na mulat ang publiko sa lawak ng mga isyung kinasasangkutan ni Duterte, mula sa Article I hanggang Article IV ng impeachment report.

“Hindi nakakapagtaka ang survey. Matapos ang mga pagdinig, nakita ng tao na hindi ito isang isyu lang. Article I pa lang mabigat na, lalo na kapag pinagsama mo pa ang unexplained wealth, bribery, at grave threats,” ani Acidre.

Partikular na tinukoy ni Acidre ang Article II na tumatalakay sa kuwestiyunableng yaman at bilyon-bilyong halaga ng transaksyon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) records.

“Kung sa Article II pa lang may tanong na sa SALN at bilyon-bilyong galaw ng pera, bakit abogado lang ang magpapaliwanag? Siyempre gusto ng publiko, siya mismo ang sumagot,” giit niya.

Nakatakdang pagbotohan ng plenaryo ang Articles of Impeachment sa darating na Lunes, Mayo 11. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here