MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babaeng Vietnamese na wanted ng INTERPOL dahil sa pagkakasangkot umano sa drug-related offenses.
Kinilala ng BI ang dayuhan na si Tran Thi Hoai Nam, 25-anyos, na naharang sa primary inspection line ng NAIA Terminal 1 noong madaling araw ng Abril 29 matapos magpositibo sa INTERPOL hit pagdating nito mula Phnom Penh sakay ng Philippine Airlines flight.
Ayon sa BI, agad isinailalim sa beripikasyon ang pasahero kung saan nakumpirma na siya ay may aktibong INTERPOL Red Notice na inilabas ng Vietnamese authorities isang araw bago siya dumating sa bansa dahil sa kasong facilitation of illegal use of narcotic substances.
Inendorso ang kaso sa BI Interpol Unit at kalauna’y kinumpirma rin ng Vietnamese authorities.
Ayon kay BI Interpol Unit Chief Peter de Guzman, matagal nang umiiwas sa mga awtoridad ang nasabing pugante matapos umano itong masangkot sa pagpapadali ng drug use activities sa Vietnam noong 2022 at makatakas sa isinagawang police operation.
Sinabi ng BI na agad ipinaalam ng National Central Bureau (NCB) Manila sa NCB Hanoi ang pagkakasabat sa dayuhan, habang pormal namang hiniling ng Vietnamese Embassy sa Maynila ang pagbabalik nito sa Vietnam upang harapin ang kaso.
Noong umaga ng Abril 30 ay isinakay si Tran sa flight pabalik ng Hanoi matapos siyang ma-exclude sa bansa.
Iginiit naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na hindi gagawing kanlungan ng mga pugante ang Pilipinas.
“Our borders will not serve as refuge for fugitives. This case highlights our strong coordination with INTERPOL and our foreign counterparts to ensure that individuals attempting to evade justice are intercepted and held accountable,” ani Viado.
Dahil sa kanyang exclusion, isinama na rin ang pangalan ni Tran sa blacklist ng BI na tuluyang nagbabawal sa kanyang muling pagpasok sa Pilipinas. JAY Reyes