Home NATIONWIDE Puganteng Chinese, 5 iba pa arestado sa Pasay anti-fraud operation

Puganteng Chinese, 5 iba pa arestado sa Pasay anti-fraud operation

63
0

MANILA, Philippines — Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese fugitive at lima pang dayuhan sa isinagawang operasyon kontra online fraud at iba pang ilegal na aktibidad sa Pasay City.

Isinagawa ang operasyon noong gabi ng Mayo 6 sa kahabaan ng Roxas Boulevard Service Road sa Barangay 13, Pasay City sa pangunguna ng mga ahente ng BI Fugitive Search Unit (FSU), katuwang ang Chinese authorities, Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group, at Philippine Air Force.

Ayon sa BI, pangunahing target ng operasyon ang isang 34-anyos na Chinese national na wanted sa China dahil umano sa pagtatago ng ilegal na kinita sa financial activities. Nabatid na isinagawa ang operasyon matapos humiling ng tulong ang Chinese authorities kaugnay ng aktibong detention warrant laban sa suspek.

Habang isinasagawa ang operasyon, nadatnan din ng mga awtoridad ang limang iba pang Chinese nationals sa loob ng nasabing lugar. Apat sa kanila, na nasa edad 32 hanggang 39, ay umano’y nahuling gumagamit ng computer workstations at electronic devices na pinaghihinalaang konektado sa online fraud activities.

Sa isinagawang beripikasyon, natuklasan na ang isa sa kanila ay isa ring wanted fugitive sa China dahil sa kasong fraud, habang ang tatlo naman ay overstaying na sa bansa.

Naaresto rin ang isa pang 47-anyos na dayuhan matapos mabigong magpakita ng valid passport at immigration documents sa isinagawang inspeksyon.

Kasalukuyang nahaharap sa mga kasong immigration ang lahat ng mga naaresto at pansamantalang nakadetine sa pasilidad ng BI sa Taguig City.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patuloy ang ahensya sa pagtugis sa mga dayuhang pugante at sindikatong sangkot sa ilegal na aktibidad sa bansa.

“The Philippines will not be used as a refuge by foreign fugitives and criminal groups. We are strengthening coordination with international law enforcement partners to ensure that those involved in fraud, cybercrime, and other unlawful activities are located, arrested, and deported,” ani Viado. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here