MANILA, Philippines – Naglabas ang Philippine National Police (PNP) ng bagong mga assignment para sa ilang regional police chiefs sa Ilocos, MIMAROPA, at Negros Island Region (NIR) noong Biyernes, Mayo 8.
Ayon sa General Order No. NHQ-GO-DES-2026-2397 na may petsang Mayo 7, epektibo ang mga pagbabago noong Mayo 8.
Sa order, itinalaga si Brig. Gen. Jovencio Badua Jr., dating director ng Police Regional Office MIMAROPA (PRO 4B), bilang bagong hepe ng Police Regional Office Ilocos Region (PRO 1).
Pinalitan siya ni Brig. Gen. Christopher dela Cruz, dating hepe ng Northern Police District (NPD), bilang bagong PRO 4B chief.
Samantala, si Brig. Gen. Romano Cardiño, dating PNP Comptrollership Executive Officer, ang itinalagang bagong hepe ng PRO Negros Island Region (PRO NIR).
Ayon sa PNP, ang reshuffle ay bahagi ng internal adjustments habang si Maj. Gen. Westrimundo Obinque ay inaasahang magreretiro sa Mayo 9.
Si Brig. Gen. Dindo Reyes naman, dating PRO 1 chief, ang papalit kay Obinque bilang PNP Director for Comptrollership na nangangasiwa sa pananalapi at accounting ng PNP.
Si Brig. Gen. Benliner Capili ang papalit kay dela Cruz bilang NPD chief, habang si Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay ang magiging bagong Deputy Director for Education and Training.
Hindi naman tinukoy ng order kung sino ang papalit kay Cardiño bilang PNP Comptrollership executive officer. RNT/MND