ROMBLON, Philippines – Arestado ang tatlong lalaki sa Corcuera, Romblon matapos mahuling ilegal na nagbiyahe ng produktong petrolyo at liquefied petroleum gas (LPG) cylinders.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nahuli ang mga suspek na nagdadala ng fuel at LPG nang walang kinakailangang pahintulot mula sa Department of Energy (DOE) at mga may-ari ng LPG brand.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang ₱3.78 milyong halaga ng produktong petrolyo at kagamitan, kabilang ang 153 LPG cylinders, 145 container ng unleaded gasoline, isang motorized banca, at isang motorized cargo boat na umano’y ginamit sa ilegal na operasyon.
Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., “Hindi lang ito simpleng paglabag sa batas, kundi banta rin sa kaligtasan ng publiko. Ang ating tungkulin ay siguraduhin na ang bawat Pilipino ay protektado laban sa panganib na dulot ng mga ganitong ilegal na gawain.” RNT/MND