MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1432 (SBN 1432) o ang panukalang People’s Freedom of Information Act na layong maglatag ng mas malinaw na mga hakbang para makakuha ang publiko ng mga dokumento, talaan, at datos na hawak ng gobyerno.
Kabilang sa mga senador na nagbuo, pinuri at ikinagalak ni Senator Christopher “Bong” Go ang pag-apruba sa panukalang batas.
Sinabi ni Go na ang karapatan ng mamamayan sa impormasyon ay kailangang suportahan ng isang sistemang malinaw, accessible at accountable habang iginagalang ang mga pananggalang na itinakda ng batas.
“Karapatan ng taumbayan na malaman ang mga impormasyong may kinalaman sa serbisyo publiko. Kung malinaw ang proseso at bukas ang impormasyon, mas napapalakas natin ang tiwala ng tao sa gobyerno,” pahayag ni Go.
Layunin ng panukalang batas na isakatuparan ang karapatang itinakda sa Saligang Batas ng bawat mamamayan na makakuha ng impormasyon tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa kapakanan ng publiko, pati na sa pagsisiwalat ng mga gawain at transaksyon na may kinalaman sa interes ng lahat.
Ayon sa panukala, sakop ng access to information ang government agencies hanggang sa executive, legislative, at judicial branches, gayundin sa constitutional commissions, constitutionally mandated bodies, local government units, chartered institutions, government-owned or -controlled corporations, at State Universities and Colleges (SUCs).
Sinabi ni Go na makatutulong ang batas upang matiyak na may malinaw na access ang karaniwang Pilipino kapag humihingi sila ng impormasyon mula sa mga tanggapan ng gobyerno.
“Para sa akin, kung may hinihinging impormasyon ang mamamayan at ito ay sakop ng batas, dapat may maayos na proseso para makuha nila ito. Hindi dapat pahirapan ang tao sa impormasyong dapat naman nilang malaman,” anang senador.
Laman din ng panukala ang mga pananggalang para sa impormasyong may kinalaman sa national security, privacy, at iba pang lawful exceptions. Sa ganitong paraan, natitiyak na nababalanse ang public access na may lehitimong restrictions sa ilalim ng umiiral na legal standards.
Kabilang sa mga pangunahing talaan at dokumentong saklaw ng panukala ay ang mga may kinalaman sa public funds, procurement, contracts, bids, annual budgets, itemized collections and disbursements, income and expenditure summaries, plantilla positions, vacancies, loans, at iba pang records na may kinalaman ang interes ng publiko.
Binigyang-diin ni Go na ang pagiging bukas at tapat ay kaakibat dapat ng tamang pagsasagawa ng tungkulin at pananagutan ng bawat tanggapan ng gobyerno.
“Dapat maging responsable ang bawat ahensya sa paghawak at paglalabas ng impormasyon. Kung may sistema, mas mabilis ang serbisyo, mas malinaw ang proseso, at mas maiiwasan ang pagdududa ng taumbayan,” sabi ni Go.
Ipinag-uutos din ng panukala na regular na ilathala sa internet ang ilang uri ng talaan ng gobyerno. Sa ganitong paraan, mas madaling makukuha ng publiko ang mga impormasyon, at hindi na kailangang dumaan pa nang paulit-ulit sa mahahabang proseso ng paghiling.
Sinabi ng senador na ang pag-apruba ng Senado sa panukalang batas ay patunay na patuloy ang pangangailangang palakasin ang tiwala ng publiko. RNT