PANGASINAN- Kamatayan ang sinapit ng isang 21-anyos na lalaki samantalang tatlong iba pa ang sugatan matapos magsalpukan ang isang motorsiklo at tricycle sa national road, sa Brgy. Tomana West, Rosales ng lalawigang ito nitong madaling-araw ng Miyerkules, Oktubre 7.
Ayon sa Rosales MPS, ang nasawi ay ang driver ng motorsiklo samantalang ang mga sugatan ay ang tatlong lalaking pasaherong nakasakay sa tricycle na ang mga edad ay 17, 26 at 36.
Ang driver ng motorsiklo ay residente ng Rosales, Pangasinan samantalang ang 38-anyos na driver ng tricycle ay residente ng Villasis, Pangasinan.
Dalawa sa pasahero ng tricycle ay residente ng Umingan, Pangasinan at ang isa pa ay residente ng Balunago, Pangasinan.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang tricycle ay bumibiyahe patungong silangang direksyon samantalang ang motorsiklo naman ay papuntang kabilang direksyon.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, hinihinalang nasakop o umagaw ng linya ang motorsiklo na nagresulta sa banggaan ng dalawang sasakyan.
Agad na isinugod sa ospital ang driver ng motorsiklo matapos magtamo ng severe injuries.
Gayunman, ang driver ng motorsiklo ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor.
Isinugod din sa ospital ang tatlong pasahero na nakasakay sa naturang tricycle dahil sa mga tinamo nilang mga injury sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng tricycle. Rolando S. Gamoso