CAUAYAN CITY, Isabela – Huli ang 49-anyos na mister na itinuturing na no. 1 Most Wanted Person sa lungsod ng Cauayan matapos maaresto sa kasong kaugnay ng pang-aabuso o kahalayan sa menor de edad dito sa nasabing lungsod.
Sa pinaigting na kampanya sa anti-criminality at pagtugis sa mga kriminalidad o may pananagutan sa batas ni PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO at pagtugon ni PLtCol. Avelino Canceran Jr., Hepe ng Cauayan City Police Station ay nahuli ang suspek na si alyas “Julius,” may asawa, residente ng Purok 4, Brgy. Nagcampegan, Cauayan City, Isabela.
Naaresto sa bisa ng warrant of arrest sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Cauayan City Police Station at iba pang intelligence units.
Ang warrant ay inilabas ng Regional Trial Court Branch 20 sa Cauayan City na may kaugnayan sa kasong Statutory Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code, kaugnay ng R.A. 7610 na inamyendahan ng R.A. 11648 na kung saan may inirekomendang piyansa na ₱180,000 para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dukomentasyon at tamang disposisyon bago ipasakamay sa korteng pinagmulan. REY VELASCO