Home OPINION MTPB, SINDIKATO NA BA?

MTPB, SINDIKATO NA BA?

66
0

GUSTO kong maniwala na hindi sindikato ang kasalukuyang Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB. Ngunit sa dami ng mga pangyayaring aking nasaksihan at naranasan mismo sa kamay ng ilan ilang tauhan, hindi maiiwasang lumutang ang mabigat na tanong na ito sa isip ng publiko.

Ilang beses nang na-tire-lock ang sasakyan ng inyong PAKUROT sa harap ng pwesto ng aking tinitigilan. Aminado ang inyong lingkod na may mga pagkakataong nagiging sagabal ang sasakyan sa bangketa, at hindi ko ito itinatanggi. Subalit batay sa aking pagkakaalam, kapag naroroon ang driver, binibigyan ito ng lima hanggang sampung minuto upang mailipat ang sasakyan bago tuluyang hulihin o lagyan ng clamp.

Sa aktwal na karanasan, hindi ito palaging nasusunod. Kahit paulit-ulit ang pakiusap na ilipat na lamang ang sasakyan habang wala pa ang truck ng MTPB na may dalang clamp, matigas pa rin ang pagtanggi ng ilang operatiba. Umaabot pa ng dalawampung minuto bago dumating ang kanilang truck, at sa halip na bigyan ng pagkakataon, agad na nilalagyan ng clamp ang sasakyan pagdating nila. Kaya mapaiisip ka kung ano ba talaga ang patakaran—may konsiderasyon ba sa motorista o diretso agad sa paglabag?

Hindi lamang ako ang nakararanas nito. Marami na rin ang nagrereklamo sa ganitong istilo ng operasyon. Ang mas nakalulungkot, sa halip na aktibong magmando ng trapiko para mapanatili ang maayos na daloy, tila mas nakatuon ang ilan sa paghihintay ng mahuhuling lumalabag.

Totoo, tungkulin nilang manghuli ng lumalabag sa batas trapiko. Ngunit hindi dapat doon lamang umiikot ang kanilang trabaho maghapon. Ang masama pa, madalas silang kumpol-kumpol sa iisang lugar sa panghuhuli, kaya ang ibang kalsada ay nawawalan ng bantay at lalong sumisikip ang daloy ng trapiko.

Isang halimbawa ang nangyari sa C.M. Recto corner Abad Santos. Nasa ikaapat na sasakyan na ako nang mag-GO ang traffic light. Dahil ilang segundo lang ang pagitan, halos dilaw na ito bago ako makakaliwa. Ngunit ang enforcer na nasa gitna ng kalsada ay sumenyas sa akin na tumuloy. Pagliko ko, agad akong pinara ng dalawang nakaabang na MTPB dahil umano sa pag-GO habang dilaw na ang ilaw.

Nagpaliwanag ako at maayos naman silang nakinig, ngunit kinailangan pa ng mahabang paliwanag. Paano kung hindi marunong makipagtalo ang motorista? Paano kung tiket agad ang katapat?

Sana malinaw ang sistema at patas ang implementasyon upang hindi magmukhang galawang panggigipit o sinasabing pansariling interes. Kailangang ituro at matutunan nila ng tamang training, disiplina, at malasakit sa publiko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here