MANILA, Philippines – Tinanggihan ni US President Donald Trump ang tugon ng Iran sa isang peace proposal na suportado ng Estados Unidos, at tinawag itong “TOTALLY UNACCEPTABLE,” habang nagpapatuloy ang tensyon sa gitna ng sigalot na nakaaapekto sa Gitnang Silangan at pandaigdigang merkado ng enerhiya.
“I don’t like it — TOTALLY UNACCEPTABLE,” pahayag ni Trump sa Truth Social, ngunit hindi nagbigay ng detalye.
Ayon sa semi-official na Tasnim news agency ng Iran, ipinadala ang tugon sa pamamagitan ng tagapamagitan na Pakistan at nanawagan ito ng pagwawakas sa digmaan sa lahat ng larangan, partikular sa Lebanon, gayundin ng pagbawi sa mga parusa ng Estados Unidos at pagtanggal ng restriksyon sa pagbebenta ng langis ng Iran.
Kasama rin sa panukala ang panawagan na wakasan ang naval blockade, bayaran ang pinsala ng digmaan, at kilalanin ang soberanya ng Iran sa Strait of Hormuz. Iminungkahi rin ang posibleng pamamahala ng Iran sa naturang mahalagang rutang pandagat sa ilalim ng ilang kundisyon, ngunit hindi tinukoy ang mga ito.
Nauna nang iminungkahi ng Estados Unidos ang paghinto ng labanan bago pumasok sa negosasyon sa mas malalaking isyu, kabilang ang nuclear program ng Iran. Lumabas din ang ulat na nag-alok ang Iran na palabnawin ang bahagi ng enriched uranium at ilipat ang natitira sa ikatlong bansa.
Bunsod ng pagkabigo ng kasunduan, tumaas ng $3 kada bariles ang presyo ng langis, na sumasalamin sa patuloy na kawalang-katiyakan sa merkado.
Patuloy na naaapektuhan ng sigalot ang daloy ng kalakalan sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng enerhiya sa mundo, at nagpapalala ng tensyon sa rehiyon na kinasasangkutan ng Israel, Lebanon, at mga grupong sinusuportahan ng Iran.
Sinabi ni Iranian President Masoud Pezeshkian na “never bow down to the enemy” ang Iran at ipagtatanggol nito ang pambansang interes, habang iginiit naman ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na hindi pa tapos ang digmaan dahil sa mga isyu sa nuclear program at missile capability ng Iran.
Sa kabila ng mga pagsisikap sa diplomasya, patuloy pa rin ang mga drone activity at sagupaan sa rehiyon, na nagpapakita ng nananatiling tensyon sa lugar. Dave Baluyot