Home NATIONWIDE P1.5M illegal logs nasabat sa checkpoint sa Nueva Vizcaya

P1.5M illegal logs nasabat sa checkpoint sa Nueva Vizcaya

59
0

DIADI, Nueva Vizcaya — Umaabot sa P1.5M ang halaga ng illegal logs o walang pahintulot na pagputol ng kahoy ang nasabat, at naaresto ang dalawang katao sa isang checkpoint ng pulisya sa Brgy. Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya, kagabi.

Kinilala ang dalawang suspek na sina alyas Rommel, 50 anyos, at alyas Danny, 26 anyos, kapwa residente ng Kalinga.

Sa direktiba sa pinaigting na anti-criminality checkpoint ni PBGen. Mariano Rodriguez, Acting Regional Director ng Police Regional Office 02, sa isinagawang 24/7 border checkpoint ng 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, pinahinto ng mga kapulisan ang kahina-hinalang trak na walang plaka at nakapatay ang ilaw habang bumibiyahe.

Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang humigit-kumulang na 3,000 bdft na kahoy at assorted sawn lumber sa loob ng sasakyan na pinatungan ng nakasakong ipa, na walang dokumentong naipakita ng drayber at pahinante nito.

Ayon kay PBGen. Rodriguez, pinasalamatan nito ang hanay ng kapulisan sa matagumpay na pagpapatupad ng anti-criminality checkpoint, kasabay ng paghihikayat sa publiko na makiisa sa kampanya kontra illegal logging upang maprotektahan ang kalikasan at mapangalagaan ang kagubatan sa Lambak ng Cagayan.

Dahil dito, agad na inaresto ang dalawang suspek dahil sa paglabag sa PD 705 o Revised Forestry Code of the Philippines, na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya. (Rey Velasco)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here