Home NATIONWIDE ‘Congress probe’ sa Taboso clash, iniatras na ni Rep Benitez

‘Congress probe’ sa Taboso clash, iniatras na ni Rep Benitez

62
0

MANILA, Philippines – Umatras na si Negros Occidental 3rd district Representative Javier Miguel Benitez sa kanyang planong resolusyon para sa congressional inquiry kaugnay ng Abril 19 na engkwentro sa Toboso, Negros Occidental kung saan 19 katao ang nasawi matapos ang sagupaan ng militar at mga rebeldeng komunista.

Ayon kay Benitez nitong Linggo, may isinasagawang imbestigasyon na ang mga kinauukulang ahensya, kabilang ang Commission on Human Rights (CHR), kaya hindi na kailangan ang hiwalay na imbestigasyon sa Kamara.

Giit niya, mas mainam na hayaang tumakbo ang mga imbestigasyon nang walang panghihimasok sa pulitika upang matiyak ang hustisya.

Binigyang-diin din ng mambabatas na hindi lamang seguridad ang susi sa pangmatagalang kapayapaan sa Negros, kundi kailangan din ang mga oportunidad sa kabuhayan at pag-unlad upang tugunan ang ugat ng insurhensiya.

Ayon sa kanya, nananatiling pang-araw-araw na realidad ang insurhensiya para sa mga magsasaka, guro, at lokal na opisyal, na nagdudulot ng takot, paglikas, pagkaantala ng klase, at paghina ng kabuhayan.

Nanawagan si Benitez ng mas pinalakas na seguridad kasabay ng pamumuhunan sa agrikultura, turismo, creative industries, at edukasyon upang makapagbigay ng alternatibo para sa kabataan.

Hinimok din niya ang mga estudyante, mamamahayag, at mga mananaliksik na bumibisita sa Negros na makipag-ugnayan sa mga paaralan, barangay, at lokal na pamahalaan, bilang bahagi ng seguridad sa mga lugar na may alitan.

Pinuri rin niya ang Army 79th Infantry Battalion, 3rd Infantry Division, at Armed Forces of the Philippines, gayundin ang mga opisyal ng barangay at komunidad sa kanilang pagtutulungan at pagbabantay. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here