Home HOME BANNER STORY Ang, Bantag, Dumlao, inisyuhan ng Interpol red notice

Ang, Bantag, Dumlao, inisyuhan ng Interpol red notice

94
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes na naglabas na ng Interpol red notices laban kina businessman Atong Ang, dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag, dating pulis na si Rafael Dumlao III.

“May red notice na laban kay Bantag. May red notice na laban kay Atong Ang. May red notice na laban kay Dumlao,” ani Remulla sa isang press conference.

Ayon pa kay Remulla, nakumpleto na rin ng mga awtoridad ang requirements para sa red notice laban kay dating Ako Bicol party-list lawmaker Zaldy Co, ngunit hindi pa ito inaaprubahan ng Interpol matapos ihain noong Setyembre 2025.

“Yung kay Zaldy Co, it was filed September 2025, hindi pa gina-grant ang red notice niya. So complied na lahat ’yun,” dagdag niya.

Batay sa Interpol, ang red notice ay kahilingan sa mga law enforcement agency sa buong mundo upang mahanap at pansamantalang maaresto ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition o iba pang legal na proseso.

Nauna nang sinabi ni Remulla na may red notice na rin laban sa negosyanteng si Atong Ang kaugnay ng kasong kidnapping with serious illegal detention na may kaugnayan sa pagkawala ng mga sabungero.

Nahaharap si Bantag sa kasong may kaugnayan sa pagkamatay ni Jun Villamor, na itinuturong middleman sa pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid noong 2022. Noong Abril 2023, iniutos ng korte sa Muntinlupa ang pag-aresto kay Bantag, bagaman itinanggi nito ang mga alegasyon laban sa kanya. Nag-alok din noon ang Department of Justice ng P2-milyong pabuya para sa impormasyon na magdudulot sa kanyang pagkakaaresto.

Samantala, binaligtad ng Court of Appeals noong Hulyo 2024 ang acquittal ni Dumlao sa kidnapping at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo at hinatulan siya ng reclusion perpetua. Nag-alok din ang mga awtoridad ng P1-milyong reward para sa pagkakaaresto ni Dumlao.

Ibinigay ni Remulla ang pahayag matapos ang command conference kasama ang Philippine National Police, kung saan nagpahayag siya ng pagkadismaya sa kabiguang maaresto ang mga wanted personalities sa mga high-profile case.

“Medyo binoldyak ko na yung mga pulis natin. Sabi ko, 200,000 kayo, alangan naman di n’yo kayang hanapin tatlong tao lang, di ba? Galingan n’yo na,” aniya. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here