MANILA, Philippines – Bumaba na sa ilalim ng 180-meter minimum operating level ang water level ng Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes.
Ayon kay PAGASA hydrologist Paolo Pamintuan, naitala ang water level ng dam sa 179.78 meters alas-6 ng umaga ng Mayo 11, mula sa 180.19 meters noong nakaraang araw.
“Angat Dam has breached its 180-meter minimum operating level, meaning there might be possible reduced allocation for its functions, which will be decided by the Angat TWG,” aniya.
Binubuo ang technical working group ng National Water Resources Board, Metropolitan Waterworks and Sewerage System, Manila Water, National Irrigation Administration, at PAGASA.
Ayon kay Pamintuan, karaniwang unang apektado sa ganitong sitwasyon ang irrigation para sa mga sakahan sa Bulacan. Gayunman, sapat pa umano ang suplay hanggang Mayo 15 habang patuloy ang pag-uusap para sa posibleng adjustments.
Sa kabila ng pagbaba, nananatili pa rin ang dam sa itaas ng critical level na 160 meters.
Sinabi niya na pangunahing dahilan ng pagbaba ng water level ang mahinang pag-ulan sa Angat watershed at ang tuloy-tuloy na demand mula sa domestic water supply, irrigation, at hydropower.
Nasa ilalim din ngayon ng El Niño Watch ang bansa, na maaaring magdulot ng mas kaunting ulan sa mga susunod na buwan. Wala ring inaasahang malalakas na pag-ulan sa loob ng susunod na dalawang linggo.
Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na magtipid ng tubig at maghanda sa posibleng rationing, habang inatasan ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at National Irrigation Administration para sa alternatibong water management. Santi Celario