MANILA, Philippines – Kasabay ng pagdiriwang ng Health Workers’ Day, isinusulong ni Quezon City 5th District Rep. PM Vargas ang dalawang panukalang batas na naglalayong itaas ang sahod ng mga doktor sa gobyerno at limitahan ang oras ng pagtatrabaho ng mga nurse upang masolusyunan ang malalang “brain drain” sa bansa.
Ayon kay Vargas, panahon na upang unahin ng Pilipinas ang pagkalinga sa sarili nitong mga health worker.
“Filipino health workers are among the most sought-after in the world because of their high-quality education and signature bedside manner. Pero tayo dapat mismo ang unang nakakaranas ng kanilang kalinga, hindi huli,” ani Vargas.
Sa ilalim ng House Bill 3520, layon ni Vargas na itaas ang entry-level pay ng mga doktor sa gobyerno mula ₱73,303 patungong ₱91,306 o dagdag na ₱18,003 sa buwanang sahod.
Giit ng mambabatas, hindi na sapat ang kasalukuyang pay scale para sa bigat ng trabaho at panganib na kinakaharap ng mga doktor, lalo na sa panahon ng mga krisis sa kalusugan. Aniya, kapag wasto ang pasahod, mas mahihikayat ang mga magagaling na doctor na manatili sa mga pampublikong ospital.
Para naman sa mga nurse, inihain ni Vargas ang House Bill 3398 o ang “Care for Nurses’ Welfare Act.”
Nakapaloob sa panukala na bawal puwersahin ang mga nurse na magtrabaho nang higit sa walong oras na sunod-sunod at gawing limitado ang kabuuang 40 oras kada linggo ang trabaho.
Binigyang-diin ni Vargas na ang pagod o burnout ng mga nurse ay direktang nakakaapekto sa kaligtasan ng mga pasyente.
Napansin ni Vargas na marami sa mga lisensyadong nurse ang mas pinipiling magtrabaho sa ibang industriya o mangibang-bansa dahil sa mababang pasahod at mahirap na kondisyon sa loob ng bansa.
Aniya, ang kalusugan ng mamamayan ang pundasyon ng isang malakas na bansa, kaya nararapat lamang na tumbasan ng gobyerno ang dedikasyon ng mga frontliners sa pamamagitan ng makatarungang mga batas. Gail Mendoza