Home NATIONWIDE Destab plot itinanggi ng Malakanyang, nagbabala sa publiko vs fake news

Destab plot itinanggi ng Malakanyang, nagbabala sa publiko vs fake news

61
0

MANILA, Philippines – HINIKAYAT ng Malakanyang ang publiko na maging mapanuri at manatiling bigilante sa gitna ng bali-balita na destabilization plot laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na walang namo-monitor ang mga awtoridad ng anumang aktibong destabilization efforts laban sa administrasyong Marcos.

“Sa ngayon, wala po tayong anumang naririnig na anumang plano na destab laban sa gobyerno,” ayon kay Castro.

Gayunman, sinabi ni Castro na hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko kung sino ang sources ng naratibo at kung sino ang makikinabang mula sa plot para ibagsak ang gobyerno.

“Alam naman natin kung saan nanggagaling iyan at alam naman natin kung sino ang gusto nilang paupuin,” ani Castro.

Hinikayat din ni Castro ang mga Filipino na manatiling maging maingat at kritikal sa ‘misinformation at disinformation’ na malaganap sa social media.

“So, tayo po, mga kababayan natin, sa mga taumbayan, lagi na lamang po tayong magmatyag at maging mapanuri, lalong-lalo na sa mga fake news,” aniya pa rin.

Nauna rito, sinabi ng Department of National Defense (DND) na wala itong namo-monitor na anumang planong destabilisasyon sa hanay ng kasundaluhan kaugnay ng pag-usad ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, nananatiling propesyonal at tapat sa kanilang mandato ang mga aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Giit ni Teodoro, patuloy na sumusunod ang militar sa Konstitusyon at sa chain of command, kasabay ng pananatili ng kanilang pokus sa pagpapanatili ng seguridad at kapayapaan sa bansa.

“Sa ngayon, involving active duty members, wala kaming namo-monitor at ‘yun lang naman ang tinututukan namin,” aniya.

Gayunman, inamin ng kalihim na may ilang retiradong opisyal ng militar na umano’y hayagang nagpapahayag ng intensiyon ng destabilisasyon.

Aniya, “Wala naman silang impluwensiya sa ating kasundaluhan. Libre sila bilang normal citizen na maghayag. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here