MANILA, Philippines — Wala pang impormasyon ang Malacañang kaugnay sa napaulat na Cabinet revamp sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, wala pa umanong ipinapaabot na update hinggil sa posibleng pagbabago sa hanay ng gabinete.
“Sa ngayon po ay wala pa rin pong ipinapaabot sa atin na update. Pero kapag mayroon ibibigay ko po agad sa inyo,” pahayag ni Castro sa press briefing.
Sinabi rin ni Castro na nananatili ang tiwala at kumpiyansa ng Pangulo sa kanyang mga Cabinet secretary sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng administrasyon.
Hindi rin nagbigay ng direktang sagot si Castro kung bibigyan muli ng posisyon sa gabinete si dating Interior and Local Government secretary Benhur Abalos Jr..
Lumutang ang usapin ng umano’y Cabinet revamp matapos kumalat ang ulat na nagbitiw umano si Department of Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda.
Gayunman, itinanggi ni Aguda ang naturang ulat at tinawag itong “false reports and speculations.”
“As with all members of the Cabinet, I continue to serve at the pleasure of the President and remain fully committed to carrying out the mandate entrusted to me by the administration,” ani Aguda. RNT