THE HAGUE — Sinabi ni Vice President Sara Duterte na ginagalang niya ang desisyon ng mga senador kaugnay ng pagbabago sa liderato ng Senado, at ito aniya ay pasya ng mismong mga miyembro ng mataas na kapulungan.
Sa isang panayam sa The Hague noong Mayo 11, sinabi ni Duterte na wala siyang matinding opinyon sa pagpapalit ng liderato mula kay Senador Vicente “Tito” Sotto III patungo kay Senador Alan Peter Cayetano.
“Well, wala naman kasi… kung ano yung liderato sa loob na ng Senado, decision yun ng mga senators, mga miyembro ng ating Philippine Senate,” pahayag ni Duterte.
“So kung ano yung kalabasan ng kanilang botohan, ay desisyon yun ng karamihan ng kanilang botohan ay desisyon yun ng karamihan ng kanilang mga miyembro,” dagdag niya.
Naganap ang pagbabago sa liderato ng Senado kasabay ng ikalawang impeachment laban kay Duterte sa House of Representatives.
Pinuna rin ng Bise Presidente ang umano’y pagtatangkang arestuhin si Senador Ronald dela Rosa sa loob ng Senado, at iniuugnay ito sa naunang pag-aresto sa kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte.
“Mali ’yan. Tulad ng ginawa nila kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, mali din yun,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, ang mga warrant of arrest na galing sa labas ng bansa ay dapat isailalim sa proseso sa korte sa Pilipinas.
“Dahil ang isang warrant of arrest galing sa labas ng Pilipinas, hindi issued by a Philippine court, should be presented in a Philippine court,” paliwanag niya.
Ang International Criminal Court (ICC) ay nagsampa ng kaso laban kay Dela Rosa kaugnay ng hindi bababa sa 32 pagpatay na iniuugnay sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte.
Sa warrant na may petsang Nobyembre 6, 2025 at inilabas bilang public document noong Mayo 11, 2026, sinabi ng ICC na may “reasonable grounds” upang paniwalaan na siya ay may pananagutang kriminal bilang isang “indirect co-perpetrator.” Santi Celario