MANILA, Philippines – Naibyahe na patungong Manila ang ikatlo at huling batch ng 111 foreign nationals na nahuli sa anti-illegal gambling operations sa Zamboanga Sibugay noong nakaraang buwan.
Ayon kay Maj. Noelio Brigole, spokesperson ng Army 1st Infantry Division (1ID), ang grupo ay binubuo ng 108 na Chinese, dalawang Burmese, at isang Malaysian na bumiyahe mula Zamboanga Sibugay patungong Pagadian City sakay ng military convoy.
Kabilang ang mga ito sa mahigit 200 indibidwal na nahuli sa kabi-kabilang raid sa mga hinihinalang Philippine offshore gaming operation (Pogo) sa bayan ng Alicia at Siay noong Oktubre 2.
Ikinasa ang operasyon ng mga operatiba mula sa BI Intelligence Division, NBI, at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Barangay Kimos sa Siay, at Barangay Tandiong Muslim sa Alicia, na pinakamalaking anti-POGO operation sa Zamboanga Peninsula.
Ayon sa BI, ilan sa mga indibidwal na nahuli sa raid ay natukoy bilang posibleng biktima ng human trafficking. RNT/JGC