Home NATIONWIDE 5 senador tumutol sa ‘protective custody’; Sen. Bato, pinasusuko

5 senador tumutol sa ‘protective custody’; Sen. Bato, pinasusuko

73
0

MANILA, Philippines – Naghain ang limang senador ng resolusyon na tumututol sa pagbibigay ng “protective custody” o kanlungan kay Senador Ronald Dela Rosa at nanawagan na sumailalim siya sa mga legal na proseso ng hudikatura.

Ang Senate Resolution No. 395 ay inihain nina Senators Francis Pangilinan, Vicente Sotto III, Panfilo Lacson, Risa Hontiveros, at Paolo Benigno Aquino IV. Hinimok ng resolusyon si Dela Rosa na kusang sumuko sa awtoridad at dumaan sa tamang legal na remedyo alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na mga batas.

Itinuturing na tugon ang resolusyon sa naunang mga hakbang na tumukoy sa Senate Resolution No. 44, na ginamit umano bilang batayan ng paglalagay kay Dela Rosa sa “protective custody” ng Senado kaugnay ng mga usaping may kinalaman sa International Criminal Court.

Nilinaw sa resolusyon na bagama’t may parliamentary immunity ang mga miyembro ng Kongreso, hindi ito nagbibigay ng kapangyarihan sa Senado na magbigay ng kanlungan o proteksyon laban sa pag-aresto na lampas sa itinakda ng batas.

Binigyang-diin din na walang probisyon sa Konstitusyon o sa rules ng Senado na nagpapahintulot ng “institutional refuge” o immunity mula sa legal na proseso ng pag-aresto at paglilitis.

Ayon sa mga senador, ang pagsunod sa legal na proseso ay nagpapalakas sa mga demokratikong institusyon at sa prinsipyong walang sinumang opisyal ng gobyerno ang nakahihigit sa batas.

Binanggit din sa resolusyon ang Republic Act 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, na nagbibigay ng hurisdiksyon sa mga itinakdang hukuman sa ganitong mga kaso.

Tinukoy rin ang mga naunang kaso ng mga mambabatas na sumailalim sa judicial proceedings, kabilang sina dating Senador Juan Ponce Enrile, dating Senador Leila de Lima, at dating Senador Antonio Trillanes IV.

Muling pinagtibay ng Senado ang kanilang paninindigan sa Konstitusyon, sa rule of law, at sa pantay na pananagutan ng lahat ng opisyal ng gobyerno anuman ang katungkulan o posisyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here