THE HAGUE – Sinabi ni Bise Presidente Sara Duterte noong Martes na ipinapaubaya na lamang niya sa kanyang legal team ang depensa sa impeachment laban sa kanya at wala siyang personal na reaksyon sa desisyon ng House of Representatives.
Sa isang panayam sa The Hague, sinabi ni Duterte na ang impeachment ay isang legal na proseso na dapat ipaubaya sa kanyang spokesperson at mga abogado.
“Sa impeachment, mayroon kaming spokesperson at defense team para sa impeachment. ‘Yan ay isang legal na proseso at iwan na lang natin sa spokesperson at sa abogado ang pag-komento,” aniya.
Tinanong kung ano ang kanyang nararamdaman sa botong impeachment ng Kamara, sagot niya: “Wala akong feelings about the impeachment.”
Noong Lunes, bumoto ang House of Representatives ng 257-25-9 pabor sa impeachment ni Duterte at isinumite ang Articles of Impeachment sa Senado na gaganap bilang impeachment court.
Ayon sa kanyang legal team, handa silang idepensa ang Bise Presidente sa Senado.
“While questions of constitutional significance remain pending before the Supreme Court, we are fully prepared to defend the Vice President before the Senate sitting as an Impeachment Court, where it is incumbent upon the Prosecution to discharge the burden of proof,” pahayag ng kanyang mga abogado.
Nauna ring nagpasalamat si Duterte sa kanyang mga tagasuporta sa patuloy na tiwala at malasakit sa kanya. Santi Celario