NAGANAP kamakalawa o Mayo 11, 2026 ang tatlong makasaysayang pangyayari sa mahal kong Pinas.
Kung tutuusin halos sabay-sabay lahat na naganap ang pag-impeach kay Vice President Sara Duterte, kudeta sa Senado at bigong pagdakip kay Senator Bato dela Rosa.
Ano kaya ang kinabukasan ng Pinas sa naghalo-halong pangyayari at kinasasangkutan ng matataas na opisyal?
Sa totoo lang, marami ang kinakabahan kung saan patutungo ang lahat!
PAREHO SA IKALAWANG IMPEACHMENT
Noong unang in-impeach si VP Sara noong nakaraang taon, mahigit 200 kongresman ang pumabor at gayundin kamakalawa.
Noong unang impeachment, pinangakuan umano ang mga kongresman ng milyon-milyong pisong “For Later Release” kung boboto sila ng yes sa impeachment.
Malinaw ito sa mga kwento mismo ni Navotas Congressman Toby Tiangco.
Para sa Mayo 11 botohan naman, sinabi ni Senator Imee Marcos na magkakaroon ang bawat kongresman na mag-yes sa impeachment ng P5 milyong cash, P3 milyong maintenance and other operating expenses buwan-buwan at P150 milyong halaga ng proyekto.
Kakambal nito ang umano’y pananakot na kakasuhan sa Office of the Ombudsman ang mga mag-no lalo’t maraming kongresman umano ang may itinatagong anomalya.
Totoo kaya ang mga ito na pinepera at dinaan sa pananakot ang dapat sana’y paghahanap ng katotohanan at katarungan?
KUDETA SA SENADO VS IMPEACHMENT
Habang nagpipiyesta ang higit na nakararaming kongresman sa pag-impeach nila kay VP Sara, nagkaroon naman ng kudeta sa Senado.
Pinalitan si ex-Senate President Tito Sotto ni ngayo’y Senate President Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Sen. Imee Marcos, walang anomang pangako o pananakot na umiral sa Senado sa pagkakaroon ng kudeta.
Bumoto pabor kay Cayetano sina Bato dela Rosa, Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, Bong Go, Loren Legarda, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, Joel Villanueva, Mark Villar, Camille Villar, Vicente Sotto III.
Pinaburan naman si Sotto nina Bam Aquino, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo at Alan Peter Cayetano
Nag-abstain o nag-neutral naman sina JV Ejercito at Migz Zubiri.
Napakanipis umano ang diperensya at pupwedeng magbalik sa pwesto si Sotto o sinomang kasama niya kung may magbabaligtad ulit ng kampo.
Batay sa 24 na senador, sa botong 13 pabor kay Cayetano ay madaling magkaroon ng pagbabago.
Gayunman, kaugnay ng impeachment, nanatili man si Sotto sa pwesto o nagkakudeta, alanganin ang impeachment dahil kailangan dito ang 16 boto ng mga senador-hukom sa Impeachment Court.
Sa dating 15 na mayorya at 9 minorya, kung buo na magkalaban ang mayorya at minorya, papalpak ang impeachment sa kakulangan ng 16 boto.
Lumala ang kasasapitan ng impeachment kung buo namang pabor o kontra ang magkabilang panig, kahit pa papanig ang dalawang nag-abstain sa alinmang panig.
PAG-ARESTO KAY SEN. BATO
Itong bigong pag-aresto kay Sen. Bato dela Rosa ng National Bureau of Investigation ang umagaw ng eksena sa lahat.
Nalagay ang lahat sa mga kuwestiyong ligal na dapat na pagpasyahan na ng Supreme Court kung ano ang mga dapat gawin sa pinakamadaling panahon.
Ito’y para hindi mauwi sa malawak na kaguluhan ang pangyayaring ito.
Kung magkagulo, madadala ba ang lahat sa pagdarasal lamang?






