MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Space Agency na ang mga kumikislap na ilaw na nakita sa ilang bahagi ng Pilipinas noong Martes ng gabi ay malamang na dulot ng paglulunsad ng Chinese rocket.
Ayon sa PhilSA, ang nakita bandang alas-8:10 ng gabi noong Mayo 12 ay “highly likely” na mula sa pagdaan ng Long March 6A o Chang Zheng 6A rocket ng China.
Inilunsad ang rocket mula sa Taiyuan Satellite Launch Center bandang alas-7:58 ng gabi oras sa Pilipinas.
Tinatawag ang nasabing phenomenon na “space jellyfish,” na nangyayari kapag naiilawan ng sikat ng araw ang usok ng rocket sa mataas na bahagi ng atmospera habang madilim pa sa lupa.
Ayon pa sa PhilSA, walang inaasahang debris mula sa rocket launch na babagsak sa teritoryo o karagatan ng Pilipinas. RNT/MND