Home NATIONWIDE Respondents sa petisyon ni Sen. Bato, inatasan ng SC na magkomento

Respondents sa petisyon ni Sen. Bato, inatasan ng SC na magkomento

56
0

MANILA, Philippines – Pinagkokomento ng Korte Suprema ang mga respondents sa loob ng 72 oras hinggil sa Urgent  Manifestation with Omnibus Motion na inihain ng kampo ni Senator Ronaldo ‘Bato’ Dela Rosa.

Sa katatapos lamang na en banc session ng SC, kasama sa hiling ng senador na pigilan ang kanyang pag-aresto, detensyon at paglilipat kaugnay sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Inatasan din si Senator Dela Rosa na magsumite ng kanyang tugon sa loob ng parehong hindi maaaring palawigin na 72 oras mula sa pagtanggap ng komento ng mga respondent.

Ang resolusyon ay ilalabas at ituturing na naipadala sa mga partido at kanilang mga abogado sa oras na ma-uphold ito sa eCourt PH at nailathala sa website ng Korte Suprema.

Idiniin ng Korte Suprema na ang aksyon na ito ay hindi makakaapekto sa anumang interes o agarang hakbang na maaaring hingin ni Senator Dela Rosa  kung kinakailangan.

Noong Mayo 11, 2026, naghain si Senator Dela Rosa ng Urgent Manifestation bilang tugon sa mga ulat na naglabas ang ICC ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng imbestigasyon nito sa drug war.

Hiniling niya ang pag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO), Writ of Preliminary Injunction, o Status Quo Ante Order (SQAO) upang pigilan ang kanyang pag-aresto, detensyon, o paglilipat nang walang pahintulot ng korte.

Pinagdudahan din niya ang legalidad ng subpoena mula sa PNP Criminal Investigation and Detection Group na nag-aatas sa kanya na humarap sa Camp Crame kaugnay ng mga umano’y extrajudicial killings noong siya ay Davao City Police director.

Sa parehong araw, naghain din si Senator Dela Rosa ng Supplemental Manifestation kung saan inakusahan niya ang mga operatiba ng NBI na tinangkang harangin ang kanyang pagpasok sa session hall ng Senado.

Samantala, si dating Senator Antonio Trillanes ay nagpakita umano ng kopya ng ICC arrest warrant laban sa kanya.

Hiniling ni Senator Dela Rosa ang TRO at/o SQAO upang pagbawalan ang NBI at si Trillanes na siya ay arestuhin, ikulong, o maglingkod ng anumang warrant o dokumento mula sa ICC o ibang dayuhang institusyon.  Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here