MANILA, Philippines – Natuklasan ng mga awtoridad ang isang ilegal na pabrika ng sigarilyo sa Bago City, Negros Occidental matapos ang isinagawang raid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ayon sa pulisya.
Isinagawa ang operasyon sa Purok Pulang Duta, Barangay Lag-asan noong Mayo 12, kung saan naaresto ang isang 29-anyos na hinihinalang caretaker na kinilalang “Jo” mula Barangay Villamonte.
Nakumpiska ng mga imbestigador ang iba’t ibang materyales at packaging supplies na umano’y ginagamit sa paggawa ng sigarilyo, kabilang ang plastic wrap, adhesive containers, packaging tape, at mga sasakyang wing van truck at pickup.
Ayon sa Police Regional Office–Negros Island Region, bahagi ang operasyon sa patuloy na imbestigasyon kaugnay ng naunang natuklasang P800-milyong halaga ng cigarette manufacturing supplies sa Bago City at Bacolod City noong Abril.
Dalawang suspek na kinilalang “Ber,” may-ari ng warehouse, at “Ab,” operations manager, ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Nanawagan ang mga pulis sa publiko na mag-ulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapigilan ang ilegal na operasyon sa mga komunidad.
Sa hiwalay na insidente, natagpuan din sa San Carlos City ang mga abandonadong smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P2.3 milyon matapos iulat ng isang barangay official ang presensya ng mga kontrabando sa gilid ng kalsada.
Ang mga nakumpiskang sigarilyo ay isinuko sa pulisya para sa tamang disposisyon. Mary Anne Sapico