MANILA, Philippines – Isang hakbang na lamang at ganap nang lulusot sa Kamara ang panukalang batas na magtatatag ng pambansang framework para sa operasyon at regulasyon ng waste-to-energy (WTE) technologies sa bansa.
Nitong Miyerkules, inaprubahan ng Kamara sa pamamagitan ng viva voce voting ang House Bill (HB) No. 9157 o ang “Waste-to-Energy Act.” Ang nasabing bill ay isa sa mga priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Sa ilalim ng liderato nina House Speaker Faustino Dy at House Majority Leader Sandro Marcos ay maipapasa ang panukala na layon na gawing kapaki-pakinabang na enerhiya ang mga basura habang tinutugunan ang problema sa baha at polusyon.
“For decades, waste has been treated as a growing problem. This measure changes that mindset. We are now treating waste as a resource that can help power communities, reduce pollution, and improve public health,” pahayag ni Marcos.
Ang HB 9157 ay konsolidasyon ng ibat ibang panukala na isinulong ng maraming mambabatas.
Target nito na bawasan ang banta sa kalusugan mula sa mga open dumpsites at baradong daluyan ng tubig sa pamamagitan ng paggamit ng modernong teknolohiya.
Sakop ng panukala ang mga Local Government Units (LGUs), ahensya ng gobyerno, at maging ang mga pribadong pasilidad na gagamit ng WTE bilang bahagi ng kanilang solid waste management strategy.
Tiniyak naman ng Kamara na hindi makakasama sa kalikasan ang operasyon ng mga WTE facilities na obligadong sumunod sa strict environmental and emissions standards kasama duto ang pagkakaroon ng aprubadong sistema mula sa DENR upang matiyak na malinis ang hanging inilalabas ng mga pasilidad.
Hindi pwedeng isalang sa makina ang lahat ng basura, kailangan munang magkaroon ng tamang paghihiwalay at resource recovery.
“This is not simply an energy bill. It is also an environmental protection and public health measure. We made sure that strict monitoring, emissions controls, and accountability mechanisms are built into the law,” dagdag ni Marcos.
Magtutulungan ang Department of Energy (DOE), DENR, at DILG sa pagpapatupad nito, kung saan ang DOE ang may pangunahing hurisdiksyon sa mga usaping may kinalaman sa produksyon ng enerhiya mula sa basura.
May nakahanda ring fiscal and non-fiscal incentives para sa mga investor at LGUs na unang magpapatupad ng nasabing teknolohiya. Gail Mendoza