MANILA, Philippines – Isang solo parent mula sa Negros Occidental ang nanalo ng halos P35 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 matapos gamitin ang natitirang P50 sa kanyang bulsa para tumaya sa lotto, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa pahayag ng PCSO, sinabi nitong napanalunan ng bettor ang Lotto 6/42 draw noong Mayo 2, 2026 sa pamamagitan ng Lucky Pick entry na may winning combination na 22-34-42-19-03-25.
Ayon sa nanalo, kagagaling lamang niya sa palengke matapos bumili ng mga paninda para sa kanyang sari-sari store nang magdesisyon siyang gamitin ang natitirang P50 para bumili ng lotto ticket.
Sa halip na gamitin ang kanyang paboritong number combination, pinili niyang subukan ang Lucky Pick para sa naturang draw.
“Parang hindi totoo noong una,” ani ng nanalo matapos malaman na tinamaan niya ang jackpot makalipas ang 15 taon ng pagtaya sa lotto.
Plano umano ng bettor na gamitin ang kanyang napanalunan para sa negosyo, edukasyon ng kanyang mga anak, at kinabukasan ng kanyang pamilya.
Naalala rin umano niya ang kasabihang “if something is for you then it’s for you” matapos ang hindi inaasahang suwerte. RNT