PUMUTOK at kumalat sa mundo ang balita ukol sa naganap na putukan ng baril sa pagitan umano ng Office of the Sergeant-at-Arms sa Senado at ilang pinaghihinalaang tauhan ng National Bureau of Investigation na umano’y nagtangka o nabigong hulihin si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa upang dalhin sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands at litisin, kasama ni ex-President Rodrigo Duterte, kaugnay ng paratang na crimes against humanity.
Inilagay ang ating bansa sa nakahihiya at nakatatakot na larawan o kalagayan.
Habang sinasabi ng iba na nakahihiya ang pagkanlong ng Senado sa isang suspek sa mabigat na krimen, higit na nakahihiya at nakatatakot naman para sa iba ang tila kawalan na ng paggalang sa mismong batas ng bansa.
Ang nagsagawa ng bigong pag-aresto ay mas gustong pairalin ang dayuhang batas kaysa lokal na batas sa pagturing at paglilitis sa suspek sa krimen at masasabing isang mabigat itong paglapastangan batas ng bansa.
Ang napakabigat pa, inginuso mismo si Pangulong Bongbong Marcos mismo ng kanyang kapatid na si Senador Imee Marcos na siyang may pakana sa pagpapairal ng dayuhang batas at hindi ng batas ng Pilipinas.
Ayon kay Senator Imee, may nahuling isang umano’y ahente ng NBI na nagsabing direkta umanong inutusan ng Pangulo ang NBI na isagawa ang panghuhuli kahit pa may mamamatay o madadale sa pagsasagawa nito.
Sinabi naman mismo ng Pangulo na walang kinalaman ang kanyang gobyerno sa naganap na kaguluhan at pang-aaresto.
Isinagawa ang bigong panghuhuli sa gitna ng kautusan ng Supreme Court na magpairal ng due process at batas kaugnay ng kahilingan ni Dela Rosa na maglabas ito ng Temporary Restraining Order, Preliminary Injunction at status quo ante laban sa warrant of arrest na inisyu ng ICC, lalo’t laman ng batas ng Pilipinas at mismong ICC ang pagpapairal ng warrant of arrest mula sa lokal na korte…kung nararapat.
Nakahihiya nga at nakatatakot ang mga naganap.






