DIREKTANG itinuro ni Senator Imee Marcos ang kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos na siya umanong nag-utos sa National Bureau of Investigation na pasukin ang gusali ng Senado para arestuhin si Senator Ronaldo “Bato” Dela Rosa na wanted ngayon ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Sinabi ito ni Senadora Imee matapos mahuli ang isang NBI agent kasunod ng naganap na Senate siege kamakalawa ng gabi. Inamin ito mismo ng NBI agent. Nagkaroon nang palitan ng putok ang mga tauhan ng Senate security personnel, kasama ang mga Marines laban sa mga ahente ng NBI na nakita umanong nagtatangkang pumasok sa gusali ng Senado sa pamamagitan ng pagsira sa isang lagusan mula sa kadikit na Government Service Insurance System Building.
Itinanggi naman ni Atty. Melvin Matibag, NBI director, ang alegasyon. Wala raw silang mga ahente na nasa Senado ngunit base sa mga lumabas na video at larawan, nagsisinungaling si Matibag.
Itinanggi rin ito kagaad ni Pangulong BBM sa pagsasabing wala siyang gayong utos sa NBI.
Ngunit bakit magbabarena ng pintuan ang mga sinasabing tauhan ng NBI kung walang utos sa kanila at nagbigay-lakas ng loob sa kanila na gawin ito?
Sabi nga kasi…”at all cost” ay kailangang hulihin si Bato kahit pa may madamay o mamatay.
Masyadong gigil na gigil ang gobyernong Marcos na mahuli si Bato at maisuko sa ICC kagaya ng ginawa nito noong una kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung sino man ang nag-utos at nagpatupad na lusubin ng NBI ang Senado ay dapat na makasuhan at maparusahan.
Ang Senado ay hindi maituturing na isang gusali lamang. Ito ang simbolo ng ating soberanya at kapangyarihan ng taumbayan.
Pero ang Senado na isang demokratikong institusyon ay nagmistulang “war zone” nitong nakaraang araw. Kamuntik nang may dumanak ng dugo na siyang nais ng sinomang nag-utos na pasukin ito.
Sa aking palagay, halatang may mga haling sa kapangyarihan na nagpapanik kung paano sila patuloy na makasu-survive, lalo’t napalitan ang liderato ng Senado.
Natatakot ang mga “adik sa kapangyarihan” na mabasura ang Impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte at tuluyang makalkal sa imbestigasyon ang katotohanan sa pandarambong sa trilyon pisong pondo ng bayan na para sana sa flood control projects.






