Home OPINION BATO, NADUKOT BA O NAKATAKAS?

BATO, NADUKOT BA O NAKATAKAS?

113
0

HABANG tinitipa natin ito, mga Bro, umaalingawngaw ang balitang wala na sa loob ng Senado si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Totoo kaya?

O baka naman nasa loob pa rin ngunit hindi siya pinag-usapan upang maisantabi ang kontrobersya ukol sa kanya sa gitna ng ilang mahalagang usapin mismo sa Senado, halimbawa, ang pagbibigay-atensyon sa dumating nang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Pero paano nga kung wala na si Bato sa loob ng Senado?

NADUKOT O NATAKAS

Kung totoo ngang wala na sa poder ng Senado ang senador, marami ang nagtatanong: Nadukot ba o nakatakas?

Kung nadukot ng mga may gustong dalhin siya sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands, sa oras na tinitipa ito, tiyak nang may balita na ibinibiyahe na siya patungong ICC.

Maliban lang kung ibubunyag na lang ang kanyang totoong kalayagan kapag nasa ICC na ito para maiwasan ang anomang kontrobersya ang gobyerno na katulad noon sa nangyari kay Pang. Digong.

Lalo’t may usapin pa sa Supreme Court kung dapat arestuhin si Bato sa bisa ng lokal na warrant of arrest bilang kapalit ng warrant of arrest na inisyu ng ICC.

Binigyan ng Supreme Court ang magkabilang panig ng tig-3 araw na magsagutan kaugnay ng petisyon ni Bato na maglabas ang Hukuman ng Temporary Restraining Order laban sa warrant of arrest ng ICC.

Ngunit kung nakatakas ito at may sarili siyang pinagtataguan ngayon, malaki namang katanungan kung sino ang nagpatakas sa kanya.

Sabagay, hindi naman siya convicted o idineklarang nagkasala sa mga kasong ibinato sa kanya at nasa antas pa lang ng pagkakaroon ng probable cause kaya naisyuhan siya ng warrant of arrest.

Crime against humanity ang inaakusa kay Bato, at kasama niya si dating Pangulong Digong Duterte sa kaso, na nakatakda nang litisin sa ICC.

EPEKTO SA SENADO AT IMPEACHMENT

Sa “pagkawala” ni Bato sa Senado, may inaasahang rambulan muli sa para sa pagkakaroon ng mayorya at agawan sa liderato ng Senado.

Manipis ang batayan ng liderato ni bagong Senate President Alan Peter Cayetano dahil 13 lang ang bumuo ng mayorya, kasama si Bato,… laban sa 9 na minorya habang 2 ang nag-neutral…sina Sen. JV Ejercito at Migz Zubiri.

Pero ang higit na usapin ay kung ano ang epekto ng rambulan sa liderato sa impeachment na kahaharapin ng Impeachment Court.

Malaking bagay ba sa pagdedeklarang inosente o guilty si VP Sara sa impeachment ang posisyong Senate President?

Sabi ng iba, meron dahil may malaking impluwensya umano ang Senate President sa bawat senador, lalo na sa kanyang mga kaalyado.

Pero paano ang sinasabing pagpapairal ng konsensya at higit na pagsandig sa mga ebidensya sa mga paratang ang magiging batayan ng pagdedesisyon ng bawat isang Senador-Hukom?

Sabi naman ni dating Senate President Franklin Drilon, kung malulusutan ni VP Sara ang impeachment, siya na ang magiging susunod na Pangulo ng Pinas.

Maghanda na at mag-esep-esep na ang lahat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here