MANILA, Philippines – Kinasuhan na ang isang 68-anyos na babae at ang kaniyang 41-anyos na anak kaugnay sa pagkamatay ng isang pulis at pagkakasugat ng dalawa pa sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Talaptap, La Castellana.
Ayon kay Police Major Romulo Gepilango, hepe ng La Castellana Municipal Police Station, nahaharap si Edward Acupan sa kasong homicide, frustrated homicide, at mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga. Ang kaniyang ina na si Delia Acupan naman ay sinampahan ng frustrated homicide charges.
Sinabi ni Gepilango na ibinaba ng prosecutor ang naunang murder at frustrated murder complaints.
Inakusahan si Edward Acupan ng pananaksak kay Police Master Sgt. Davy Carampatana, intelligence operative ng La Castellana police, na ikinamatay nito noong buy-bust operation noong Mayo 12.
Nasugatan din umano sa pananaksak nina Delia Acupan sina Police Capt. Michael Muñez at Police Corporal Gerson Guache.
Sa isang radio interview, itinanggi ni Delia ang pagkakasangkot sa insidente at binatikos ang mga pulis.
Ayon pa kay Gepilango, sangkot umano si Edward Acupan sa gun-for-hire at robbery incidents sa La Castellana at mga karatig-lugar at mayroon ding mga naunang kaso kaugnay ng illegal possession of firearms, ammunition, at explosives.
Sugatan si Acupan sa insidente at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya matapos ma-discharge sa ospital.
Samantala, nakiramay sina La Castellana Mayor Añejo Nicor at Vice Mayor Rhummyla Nicor-Mangilimutan sa pamilya ni Carampatana at kinilala ang panganib na kinahaharap ng mga pulis sa kanilang tungkulin.
Hinimok din niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at ireport ang mga kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan. Mary Ann Sapico