Home NATIONWIDE 7 parak sinibak sa nawawalang pera sa POGO raid

7 parak sinibak sa nawawalang pera sa POGO raid

64
0

MANILA, Philippines – Sinibak sa serbisyo ng Philippine National Police (PNP) ang pitong pulis na iniuugnay sa nawawalang milyon-milyong pisong halaga ng pera na nakumpiska mula sa ni-raid na hinihinalang Philippine offshore gaming operator (Pogo).

Ang dismissal ay nakapaloob sa Special Order No. NHQ-SO-DS-2026-4478 at General Order No. NHQ-GO-DS-2026-2576 na epektibo Mayo 12 at Mayo 13.

Sinibak sa general order ang police lieutenant colonel, habang sinibak naman sa special order ang isang police executive master sergeant, senior master sergeant at apat na patrolmen.

Noong Oktubre 2024, nilusob ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang umano’y Pogo sa Bagac, Bataan at nakumpiska ang P141.13 milyong halaga ng cash bilang ebidensya.

Ang itinuturong police liutenant colonel ang humawak ng cash evidence noong Hunyo 2025.

Sa kabila nito, nang ma-reassign noong Agosto 2025 ay hindi ibinalik ng police lieutenant colonel ang naturang cash evidence sa CIDG.

Itinurn-over niya lamang ang mga kahon sa CIDG noong Oktubre 2025.

Nang buksan ang mga kahon sa pamamagitan ng court order noong Nobyembre 2025 ay nadiskubre na ang P13.451 milyong halaga ng pera ay pinalitan ng mga pekeng pera.

Dito na na-trace ng mga imbestigador ang mga nawawalang pera sa anim iba pang itinuturong pulis.

Hindi naman sinabi ng PNP kung naibalik na ang nawawalang pera. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here