MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Securities and Exchange Commission-Cagayan de Oro Extension Office (SEC-CDO) ang ilang grupo na umano’y nag-aalok ng illegal investment schemes sa Northern Mindanao.
Maaalala na natuklasan ang ilang illegal investment schemes na nag-ooperate sa Mindanao noong mga nakaraang taon, kung saan nangangako ang mga suspek sa mga biktima nang mataas na tubo.
Ayon sa SEC, minomonitor na ang mga grupong ito na illegal na nag-ooperate bagamat hindi na nagbigay pa ng karagdagang impormasyon kaugnay nito.
Sinabi ni SEC-CDO director, Atty. Frederick Enopia, na hindi gaya sa mga nagdaang taon, maaga nang natutukoy ng mga awtoridad ang kwestyonableng aktibidad at napipigilan na ang mga grupong ito na makakuha pa ng mas maraming miyembro.
Mas marami na rin umano ang lumalapit sa opisina para magtanong tungkol sa mga investment schemes na ito.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang SEC-CDO sa iba pang opisina ng SEC sa iba’t ibang rehiyon.
Nilinaw naman ng SEC na ang foreign exchange trading o investment programs ay hindi awtomatikong iligal. Nagiging illegal lamang umano kung nangangako na ng malaking kita nang walang tamang authorization para rito. RNT/JGC