MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ni Senate President Alan Peter Cayetano ang naging pagbabago ng liderato sa Senado, sinasabing kailangan ng “bagong direksyon” upang mas matutukan ang mga krisis sa bansa.
“There’s a lot we can talk about why we changed the majority. Part of it is the direction. The way I see it, the current crises facing our country are not being given enough attention,” aniya.
Binanggit niya ang mga isyu tulad ng mataas na presyo ng gasolina, suplay ng enerhiya, inflation, at bumababang tiwala ng publiko sa mga institusyon gaya ng gobyerno, Kongreso, at media.
Matatandaang noong Mayo 11, kasabay ng botohan sa Kamara para sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, nagpalit ng liderato sa Senado at naalis si dating Senate President Vicente Sotto III, na pinalitan ni Cayetano.
Itinanggi ni Cayetano na layunin ng leadership change na harangin ang impeachment process.
“It has been repeatedly said that the leadership change happened to stop the impeachment… we still completed the process despite the turmoil in the Senate,” aniya.
Dagdag pa niya, natanggap at naiproseso na ng Senado ang Articles of Impeachment at magtitipon ito bilang impeachment court sa Mayo 18.
Binigyang-diin din niya na may mga “propaganda” at magkasalungat na salaysay na umiikot sa mga isyu sa Senado, na aniya ay nakatuon sa depensa ng mga kaalyado kaysa sa paghahanap ng katotohanan.
Sa huli, nanawagan siya ng “prayer and reflection campaign,” at binanggit pa ang ilang bersikulo sa Bibliya sa kanyang livestream. RNT/MND