MANILA, Philippines – Tiklo ang apat katao kabilang ang dalawang drug suspects nang maaktuhan habang naglalaro ng ilegal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Pasado alas-9:17 ng gabi nang maaktuhan ng mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 na nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang dalawang lalaki na naglalaro umano ng ‘cara y cruz’ sa Karuhatan NLEX Service Road, Brgy., Karuhatan.
Nakumpiska sa kanila ang perang pamusta, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Marlon”, 39, parking boy.
Nauna rito, natimbog naman ng mga tauhan ng Police Sub-Station 8 ang dalawang kelot na nagsusugal din umano ng ‘cara y cruz’ sa M. Bernardino St., Brgy., Ugong dakong ala-1:20 ng hapon.
Nasamsan sa kanila ang bet money, pangara, tiles at isang sachet ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Randy”, 38, gas station pump attendant.
Ayon sa pulisya, nasampahan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) at paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Merly Duero)