Home NATIONWIDE ARBO hinikayat ng DAR na pumasok sa cash crop production

ARBO hinikayat ng DAR na pumasok sa cash crop production

51
0

MANILA, Philippines – Upang mapataas ang produksyon ng ani sa bukid hinikayat ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga Agrarian Reform Beneficiaries’ Organizations (ARBOs) na pumasok sa cash crop production upang  madagdagan ang kita ng mga pamilya ng magsasaka, at makatulong sa pagsulong ng seguridad sa pagkain sa bansa.

Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III, layunin ng programang ito na matulungan ang mga magsasaka na makatayo sa sarili nilang kakayahan habang tinitiyak ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng pagkain para sa mga pamilyang Pilipino.

“Malaking oportunidad ang cash crop production para sa ating mga ARB at makatutulong ito sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa bansa,” ani Estrella. “Ang klima sa ating bansa ay angkop sa pagtatanim ng iba’t ibang pananim. Ang kailangan lamang ng ating mga magsasaka ay tuloy-tuloy na suporta upang maging sustainable ang pag-unlad ng kanilang mga komunidad.”

Kaugnay  nito kamakailan ay nakipagkasundo ang DAR at ang Samahan ng Magsasaka ng Barangay Sumilang , Inc. (Samakalang) para sa pagpapaunlad ng cash crop production project sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP) sa Barangay Sumilang, Gen. Luna, Quezon.

Pormal itong isinakatuparan sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum of Agreement nina DAR-Quezon II Officer-in-Charge Ma. Gemma Esguerra, Gen. Luna Mayor Jose Stevenson Sangalang, at Samakalang President Noli Padilla.

Samantala sa  ilalim ng kasunduan, pangungunahan ng DAR ang pagpapatupad ng proyekto, magbibigay naman ng suporta ang lokal na pamahalaan ng Gen. Luna, habang aktibong makikilahok ang mga miyembro ng Samakalang sa lahat ng aktibidad ng proyekto.

Nagkaroon din ng simbolikong pagtatanim ng binhi bilang pagpapakita ng pagkakaisa at sama-samang suporta ng mga partner para sa tagumpay ng proyekto.

Kaugnay nito hinimok naman ni Esguerra ang mga miyembro ng Samakalang na sulitin ang oportunidad na ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng programa.

Makakatanggap din ang samahan ng ₱300,000 halaga ng farm equipment, kabilang ang multi-tiller at limang knapsack sprayers upang makatulong sa kanilang mga gawaing pang-sakahan. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here