PALAWAN, Philippines – Tatlong suspek ang inaresto matapos makumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang ₱5.41 milyong halaga ng umano’y ilegal na sigarilyo sa isang operasyon sa Taytay, Palawan noong Biyernes, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Isinagawa ang operasyon sa Sitio Arado 2 at Monte Vista sa Barangay Poblacion.
Ayon sa PCG, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa iligal na sigarilyo kaya nagsagawa ng sabay-sabay na pag-implementa ng search warrants sa tatlong bodega.
Nasamsam ng mga awtoridad ang 2,050 reams at 148 master cases ng sigarilyo, isang motorsiklo na may sidecar, at cash na ₱104,991.
Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at iba pang kaugnay na batas.
Ayon sa PCG, ang operasyon ay isinagawa kasama ang iba’t ibang ahensya tulad ng Philippine National Police Maritime Group, Bureau of Customs, at lokal na pulisya sa Palawan. RNT/MND