MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na nakarekober sila ng mahigit P61 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga at nakapag-aresto ng limang suspek sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa PNP, isang mangingisda sa Patnanungan, Quezon ang nakakita ng limang tape-sealed plastic bags na may lamang 6.5 kilo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P34.5 milyon.
Pinaniniwalaang matagal nang inanod sa baybayin ang mga ito bago nadiskubre at isinuko sa mga pulis.
Sa Zamboanguita, Negros Oriental, naaresto ng anti-narcotics operatives ang isang high-value individual sa buy-bust operation at nakumpiska ang mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7 milyon.
Sa Bacolod City naman, tatlong suspek ang naaresto at isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon ang nasamsam.
Samantala, sa Zamboanga City, nakumpiska rin ng mga operatiba ang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon mula sa isang suspek.
Isinagawa ang mga operasyon katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., “Malaking tulong ang pakikipagtulungan ng mamamayan sa ating kampanya laban sa ilegal na droga. Kapag may impormasyon at agad itong naiuulat, mas mabilis nating naaaksyunan at napipigilan ang pagkalat ng ipinagbabawal na droga sa ating mga komunidad.”
“Our operations remain focused on protecting communities while ensuring that police actions are conducted properly and within the bounds of the law. Patuloy nating paiigtingin ang ating kampanya laban sa illegal drugs through disciplined and intelligence-based operations,” dagdag niya.
Tiniyak ng PNP na sasailalim sa tamang pagsusuri at dokumentasyon ang lahat ng nakuhang ebidensya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga naarestong suspek.
Pinuri naman ni National Police Commission (NAPOLCOM) commissioner Ralph Calinisan ang PNP at PDEA sa matagumpay na operasyon.
“These accomplishments reflect the importance of coordinated, intelligence-driven, and community-supported operations in protecting our communities from the harmful effects of illegal drugs,” ani Calinisan. RNT/MND